Dalawampu’t Pitong Taon

Simula nung nagising ako kahapon hangang sa bumalik ulit ako sa higaan ko, napakarami kong nakitang bagay na nagpatunay kung gaano ako kaswerte.

May isang matandang nakabilad sa init, nagbebenta ng bilog na basahan para lang may maipangtawid sa araw araw, dahil sa kanya napaisip ako kung gaano ako nabiyayaan kasi hindi naman ganon kahirap yung trabaho ko pero sumasahod ako ng sapat o minsan sobra pa para sa pangangailangan namin.

May babaeng lumapit sa akin na nanghihingi ng tulong kasi daw nasa hospital yung panganay niya. Biglang sumagi sa balintataw ko yung mga anak ko. Umusal ako ng panalangin ng pasasalamat, kasi kahit saksakan sila ng kulit, lahat naman sila malulusog at masiyahin. Bukod pa sa alam kong lahat sila ay lumalaki ng maayos at paniguradong magiging mabuting ehemplo sa iba.

May mga babaeng hanggang ngayon nag hihintay pa ng tamang pag ibig para sa kanila, mayroon ding mga hindi masaya sa kung sinong kasama nila, o kung hindi man ay pilit nakikiamot ng pag ibig sa maling tao. Habang ako, tila pinaulanan ng biyaya ang buhay pag ibig. Matagal ko siyang hinintay, ang dami ko ding dinaanang mali pag ibig bago ko siya nasumpungan. Subalit kahit saang anggulo ko man tignan, siya yung nag iisang lalaking alam kong hinding hindi ako iiwan at hinding hindi ako pababayaan. Araw araw kong napapatunayan yan.

May mga taong, kung saan saan tumutungo, kung kani kanino sumasama, para lang makasumpong ng tunay na kaibigan. Samantalang ako, may mga kaibigang, kapatid na ang turing sa akin. Yung mga taong hindi ako iniwan kahit gaano ako kamoret at kahirap pakisamahan. Yung mga walang sawang magregalo sa akin kahit madalang pa sa patak ng ulan ako magbigay ng kung ano ano sa kanila. Yung tagasalo ko tuwing nawawala ako sa wisyo. At higit sa lahat, silang mga alam kong laging handa akong gabayan.
May mga bata sa kalye na pilit sumasabit sa jeep para lang makarating sa pupuntahan nila, dahil sa kanila napagtanto kong maswerte kami kasi may sasakyan kami o kung hindi man, may sapat kami pera pamasahe.

May isang batang babae na nagtitinda ng sigarilyo, humpak ang pisngi at nanlilimahid pero pinipilit na maghanap buhay sa murang edad. Bumalik sa isip ko noong kami yung nagtitinda ng sigarilyo, kape at tinapay sa highway. Nung wala pang Robinson Pioneer, nung mga panahong nagtatakbo kami ng ate ko, mga pinsan ko, mga tita ko at lolo’t lola ko para likumin yung paninda namin pag may dumadaang MMDA kasi baka hulihin kami at kumpiskahin yung mga paninda namin, nung mga oras na umulan man o umaraw nasa bangketa kami para magtinda. Naalala ko kung gaano kami kahikahos noon pero masaya kasi magkakasama kami. At napatunayan kong ang layo na ng nilakbay ng buhay ko, mula sa pagiging si JoyJoy na tindera sa highway noon, hanggang sa pagiging si Marge na Concierge Coordinator ngayon.

Dalawampu’t pitong taon.. Sa loob ng panahong ito, napatunayan ko ng napakaraming beses na ang bait bait ng Diyos sa akin. Ang dami mang dumaang dagok sa buhay ko bago ako nakarating sa katayuan ko ngayon, alam kong napakaswerte ko pa rin. Nahulma ako ng mga pagsubok na ito para maging mas mabuting tao. Natutunan kong hindi lahat ng bagay na hilingin mo ay ibibigay sayo agad agad. Lahat may tamang panahon. Lahat may nauukol na pagkakataon.

Salamat, sa lahat ng bumati at nakipagdiwang sa panibagong taon sa buhay ko. Salamat sa pagiging bahagi ng buhay ko. Salamat sa lahat ng biyaya.

Salamat…..

Advertisements